Personal na ipinaabot ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Chinse Ambassador to the Philippines Zhao Jinhua ang kanyang pagkabahala sa ulat na pang-aagaw ng Chinese Coast Guard personnel sa mga huling isda ng mga Pinoy na mangingisda sa Scarborough Shoal.
Sa ambush interview sa Kawit, Cavite sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay sinabi ni Zhao na hindi naman nababago ang naunang kasunduan ng Pilipinas at China na malayang makapangingisda sa bahura ang mga Pinoy.
Ayon kay Zhao, gaya ng pangulo ay nababahala rin si Chinese President Xi Jinping sa kapakanan ng mga mangingisdang Chinese sa mga pinag-aagawang mga isla.
Nilinaw naman ni Zhao na isolated lamang ang naturang insidente at hindi sumasalamin sa kabuuang bilateral relations ng Pilipinas at China.
Sa nasabing pagtitipon ay nakita rin na personal na kinausap ni Defense Sec. Delfin Lorenzana si Zhao.
Kahapon sa Malacañang ay sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kinausap na rin ni Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano si Zhao hingil sa nasabing isyu.
Nangako umano ang kinatawan ng China sa bansa na hindi nila kukunsintihin ang kanilang mga tauhan kung nagkamali man ang mga ito.