Pilipinas at China, nakapag-usap na hinggil ng isyu ng pangunguha ng isda ng Chinese Goast Guard

Nagkausap na ang Pilipinas at China ukol sa pangunguha ng Chinese Coast Guard ng mga huling isda ng mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea partikular sa Scarborough Shoal.

Ipinahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na napag-usapan na nina Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano at Chinese Ambassador Zhao Jianhua ang insidente.

Dagdag ni Roque, nakausap niya rin mismo si Zhao.

Aniya, sinabi ng Chinese Ambassador na iniimbestigahan na rin ito ng China.

Ayon kay Roque, tiniyak sa kanya ni Zhao na parurusahan ang mga sangkot na myembro ng Chinese Coast Guard kung mapatutunayan ito.

Hindi naman itinuturing ng Malacañang na harassment ang insidente.

Samantala, iprinisinta rin ni Roque ang tatlong Pilipinong mangingisda na ang huling mga isda ay kinuha umano ng Chinese Coast Guard.

Sinabi ng isang mangingisda na si Romel Cejuela na wala silang nagawa at nakisama na lang sila nang kunin ng Chinese Coast Guard ang huli nilang magagandang isda dahil sa takot na bungguin sila ng malaking barko ng China.

Read more...