Biyahe ng LRT-1 at LRT-2 parehong nagkaproblema
Itinigil ang operasyon ng Light Rail Transit-1 (LRT-1) Lunes ng umaga dahil sa problema sa signalling system.
Unang sinabi sa official twitter account ng LRT-1 na alas 10:47 ng umaga nang limitahan nila sa 25 kilometers per hour lang ang bilis ng andar ng mga tren.
Pero alas 11:05 ng umaga sinabi ng LRT-1 na nagpatupad sila ng tigil operasyon para sa kaligtasan ng mga pasahero.
Paliwanag ng pamunuan ng LRT-1 may problema sa kanilang signalling system at ito ay agad tinugunan para mabilis na maibalik sa normal ang kanilang serbisyo.
Samantala, bago mag alas 11:00 ng umaga, nagpatupad naman ng limitadong operasyon ang line 2 ng LRT na biyaheng Santolan – Recto at vice versa.
Ayon kay LRTA Spokesman Atty. Hernando Cabrera, 10:58 ng umaga nang limitahan nila sa Santolan hanggang V. Mapa lang at pabalik ang biyahe ng mga tren.
Ito ay dahil sa power interruption na naranasan sa ilang lugar sa Maynila.
Alas 11:34 naman ng umaga nang maibalik na sa normal ang operasyon ng LRT-2.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.