VACC kinondena ang pagpatay sa pari ng Diocese of Cabanatuan
Kinondena ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang malagim na pagpaslang kay Fr. Richmond Nilo ng Diocese of Cabanatuan.
Nakatakda sanang pangunahan ng pari ang Misa sa isang kapilya sa Brgy. Mayamot sa bayan ng Zaragoza bandang alas-5 ng hapon nang pagbabarilin ito ng mga hindi pa nakikilalang mga salarin.
Nanawagan ang VACC sa PNP at iba pang mga ahensya ng gobyerno na bigyan ng agarang hustisya ang pagkamatay ni Fr. Nilo.
Iginiit din ng grupo na siya na ang ikalawang pari na pinaslang sa Nueva Ecija mula noong nakarang taon.
Ang pagpatay kay Fr. Nilo ang ikatlong insidente na ng pagpaslang sa isang pari sa loob lamang ng anim na buwan matapos ang pamamaslang kay Fr. Marcelito Paez sa Jaen, Nueva Ecija noong December 4 at Fr. Mark Ventura sa Gattaran Cagayan noong April 29.
Samantala, pinagbabaril rin si Fr. Rey Urmeneta sa Calamba, Laguna noon lamang Martes ngunit nakaligtas at nasa maayos nang kondisyon.
Bago patayin si Fr. Nilo ay nagpost pa ito sa kaniyang social media account tungkol sa isang debate na gaganapin sa Agosto kalaban ang isang religious group.
Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang Diocese of Cabanatuan sa insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.