Pinag-iingat ang publiko sa mga water-borne diseases o mga sakit na nakukuha sa tubig ngayong opisyal nang nagsimula ang panahon ng tag-ulan.
Ayon sa Department of Health, karaniwan ang mga sakit na leptospirosis, hepatitis, typhoid fever at cholera sa panahon ng tag-ulan dahil sa mga pagbaha na dulot ng mga bagyo at malalakas na pag-ulan.
Pinayuhan ng kagawaran ang publiko na kung sakaling nag-aalinlangan sa iinuming tubig ay pakuluan muna ito ng dalawang minuto o mas matagal.
Nagpaalala rin ang DOH na tiyaking may sapat na suplay ng pagkain at maayos itong nakaimbak.
Pinagsusuot din ang publiko na manatiling tuyo at magsuot ng makakapal na damit.
Samantala, pinaalalahanan naman ang mga magulang na huwag hayaang lumusong sa baha ang kanilang mga anak upang maiwasan ang leptospirosis.
Sakaling nakararanas ng sintomas ng mga karamdaman, nagpayo ang DOH na agad na magpakonsulta sa doktor upang maiwasan ang pagkalat ng impeksyon sa ibang tao.