Magbabalik na sa normal ang operasyon ng ilang mga biyaheng Manila-Coron, Palawan-Manila ngayong araw ng Linggo (June 10).
Matatandaang nakansela ang mga flight dahil sa pansamantalang pagsasara ng runway sa Franciso B. Reyes Airport, sa Busuanga.
Hindi bababa sa apat na flights ang kinansela matapos maglabas ng notice ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) dahil sa pag-overshot ng isang eroplano ng Skyjet Airlines sa runway ng paliparan noong Biyernes.
Sa anunsyo ng Manila International Airport Authority o MIAA, ang lahat ng flights ng Cebgo ng Cebu Pacific mula Manila patungong Coron at vice versa ay magreresume ngayon araw.
Payo ng Cebu Pacific sa mga apektadong pasahero, i-check ang available flights sa kanilang website.
Naabisuhan na rin ang mga pasahero ukol sa new flight schedules habang may opsyon sila na i-rebook ang flight o kumuha ng full refund.