Bumagsak sa pinagsanib na puwersa ng District Criminal Investigation Unit at Anti-Carnapping Unit ng Quezon City Police District at PNP Hiway Patrol Group ang isang AWOL na pulis at dating PDEA agent dahil sa kasong carnapping at kidnapping sa Quezon City.
Iprinisenta sa media nina PNP Chief Oscar Albayalde, NCRPO Chief Guillermo Eleazar at QCPD Director Joselito Esquevel ang mga suspek na sina Arnold Camayang, dating PDEA agent, Mark Anthony Roque, dating pulis, Alvin Jay Roque, MMDA traffic constable at Christian John Talaue at mga tubong lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Albayalde, biniktima ng apat ang Chinese national na si Wu Saowei at Wu Yaochui sa bahagi ng Congressional Avenue, Quezon City.
Sakay ang mga biktima ng Toyota Commuter Van nang harangin ng isang kulay grey na Toyota Commuter Van pagdating sa isang gasolinahan lulan ang mga armadong suspek.
Bumaba ang dalawang suspek na sina Roque at Camayag at nagpakilalang pulis at sinabihang may kaso ang suspek saka pinosasan at inilipat sa kailang sasakyan.
Habang nasa loob ng sasakyan ng mga suspek hiningan ang mga ito ng tatlong milyong piso kapalit ng kanilang kalayaan subalit napababa ito ng P300,000.
Matapos ito ay nagtungo ang mga suspek kasama ng biktima sa bahay nito sa Congressional Village, Project 8, Quezon City at nang maibigay ang pera umalis ang mga ito subalit tinagay din ang isa pang Toyota Commuter Van at isang Toyota Fortuner ng biktima na nakaparada sa grahe ng bahay nito.
Kaagad nagsumbong sa pulisya ang mga biktima dahilan upang magsagawa ng follow up operation.
Sa isinagawang operasyon namataan ang kulay grey na van na nakaparada sa Bulusan Street panulukan ng Amoranto, Quezon City at kinabukasan nagsagawa ang mga awtoridad ng opearsyon na ikinaaresto ng dalawa sa mga suspek.
Naaresto naman ang dating pulis sa Mc Arthur Hi-way matapos magpakilalang police officer pero naaresto dahil sa pagmamaneho ng isang sasakyan na walang kaukulang papeles.
Nabawi rin mula sa mga ito ang mga sasakyan na tinangay sa nasabing Filipino Chinese.
Isa pa namang Pinoy na sinasabing spotter ng grupo ang kasalukuyang tinutugis ng pulisya.