Tiniyak ng Malacañang na maayos ang kalagayan ng kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pahayag ito ng palasyo matapos ibunyag ng pangulo na nagsusuka siya sa eroplano bunsod ng migraine habang nasa biyahe mula sa tatlong araw na official visit sa South Korea pabalik ng Pilipinas noong martes ng gabi.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, walang dapat na ipag-alala ang publiko dahil normal lamang sa pangulo ang makaranas ng migraine.
Gayunman, aminado si Roque na ito ang unang pagkakataon na inatake ng migraine ang pangulo habang sakay ng eroplano.
Matagal na aniyang iniinda ng pangulo ang migraine dahil sa aksidente sa motorsiklo may ilang taon na ang nakararaan.
Kasabay nito, personal na aalamin ni Roque kung tapos nang sumailalim sa annual executive check-up ang pangulo at agad ding isasapubliko kung mayroon ng resulta.