Dating sinibak na opisyal nabigyan ng bagong pwesto sa Duterte administration

Isa na namang opisyal ng pamahalaan na nasibak sa puwesto dahil sa madalas na pagbiyahe ang ni-recycle at itinalagang muli ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Base sa appointment paper na nilagdaan kahapon, June 6 ay itinatalagang muli ng pangulo si Manuel Serra Jr. bilang miyembro ng governing board ng Philippine Coconut Authority.

Bago nito, isa si Serra sa limang commissioners ng Presidential Commission for the Urban Poor na sinibak ng pangulo noong Disyembre ng nakaraang taon dahil sa madalas na pagbiyahe sa abroad.

Magsisimula ang termino ni Serra sa July 1, 2018 at tatagal ng hanggang june 30, 2019.

Papalitan ni Serra si Abundio Edicio Dela Torre.

Bukod kay Serra, una nang itinalaga ng pangulo ang nasibak ring PCUP commissioner na si Melissa Avanceña Aradanas bilang deputy secretary general ng Housing and Development Coordinating Council noong Mayo.

Si Aradanas ay pinsan ng partner ng pangulo na si Honeylet Avanceña.

Nakabalik din sa pamahalaan ang mga nasibak na sina dating Customs Chief Nicanor Faeldon bilang Civil Defense Deputy Administrator at dating Social Security System Commissioner Pompee La Viña bilang undersecretary ng Department of Agriculture.

Read more...