Makalipas ang apatnapung taong paghihintay ay muling nasungkit ng Golden State Warriors ang kampeonato sa NBA nang ilampaso nila sa game 6 ang Cleaveland Cavaliers sa iskor na 105-97.
Sinubukan pang dumikit ng Cavaliers sa pamamagitan ng dalawang 3-pointers ni JR Smith sa huling 29 seconds ng laro subalit kinapos na sila ng oras.
Kalahating minuto bago matapos ang 4th quarter ay kinamayan na ni Lebron James si Stephen Curry at ang coaching staff ng Warriors bilang pag-concede nito sa kanilang karibal na team sa NBA finals.
Sabay ng pagtatapos ng oras ng laban ay dumagundong din ang hiyawan at selebrasyon sa Oracle Arena sa Oakland California na siyang homecourt ng Warriors.
Sinaksihan ng mga taga-suporta ang Golden States ang laban sa pamamagitan ng live video feed mula sa homecourt ng Cavaliers sa Ohio.
Bagamat nalimitahan sa 25 points ang score ni Stephen Curry, malaking bagay naman sa kaniyang team ang suporta mula sa itinanghal na Finals MVP na si Andre Iguodala na nag-ambag din ng karagdagang 25 points.
Sa simula pa lamang ng Game 6 ay dinomina na ng Golden State ang laban sa pamamagitan ng mahigpit na depensa at mahusay na latag ng opensa sa kabila ng malakas na kantyaw mula sa mga taga-suporta ng Cavaliers.
Bagamat nag-extra effort si Lebron James sa mabilis na laro ng Warriors ay kinapos din sya lalo na sa pagtuntong sa 4th quarter ng laban.
Kahit beteranong team na sa NBA, ito pa lamang ang ika-apat na pagkakataon na naging World Champion ang Golden State Warriors.
Nauna silang naging kampeon noong 1947, nasundan noong 1956 at 1975.
Ito rin ang kauna-unahang kampeonato sa Warriors ni Steve Kerr na naging head coach ng koponan noon lamang nakalipas na taon./ Den Macaranas
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.