Asec. Mocha Uson kay Kris Aquino: “This is not about you”
Tumugon na si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson sa live video na pinost ni Kris Aquino tungkol sa pagdawit ni Uson sa kanyang ama sa isyu ng paghalik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang Pinay overseas Filipino worker (OFW) sa South Korea.
Sa video message ni Uson na kanyang pinost sa kanyang Facebook page ay sinabi nito na hindi naman tungkol kay Aquino ang isyu.
Ani Uson, tungkol ito sa pagbibigay kulay at paglalagay ng malisya ng publiko sa naturang halik.
Paliwanag pa ni Uson, ginamit niya lang na halimbawa ang pinaslang na dating Senador Ninoy Aquino na hinalikan rin sa labi ng isang tagahanga.
Sa hiwalay pang post ni Uson sa kanyang Facebook page, ay sinabi nito na hindi siya hihingi ng tawad dahil sa paglalahad niya ng katotohanan.
Nauna nang sinabi ni Special Assistant to the President (SAP) Secretary Bong Go na pumayag na si Uson na hindi na palalakihin pa ang isyu. Ani Go, maglalabas ng public apology si Uson kasunod ng paghingi rin ng paumanhin ni Pangulong Duterte sa aktres.
Matatandaang nag-post ng video si Uson kung saan ikinumpara niya ang paghalik ni Pangulong Duterte sa Pinay OFW sa paghalik naman ng isang tagahanga ni Senador Ninoy Aquino sa labi nito nang siya ay papauwi ng bansa mula sa Estados Unidos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.