Fashion guru na si Kate Spade natagpuang patay sa New York

AP photo

Natagpuang patay ang sikat na handbag at fashion designer na si Kate Spade sa kanyang bahay sa New York.

Sinabi ng mga otoridad na nagpakamatay ang 55-anyos na biktima base sa kanilang inisyal na imbestigasyon.

Lumilitaw sa pagsisiyasat ng mga otoridad na natagpuan ang nakabitin na bangkay ng biktima sa loob ng kanilang bahay makaraang pumasok sa kanyang silid ang isa sa mga kasambahay ni Spade.

Mayroon rin umano siyang iniwan na suicide note para sa kanyang mister at isang anak.

Si Spade ay dating editor ng fashion magazine na Mademoiselle at noong 1990s ay sumikat ang kanyang mga designer bags hanggang sa makabuo siya ng accessories empire na sumikat sa iba’t ibang panig ng mundo.

Umulan naman ng pakikiramay para sa mga naiwan ni Spade mula sa ilang kilalang personalidad sa larangan ng negosyo, showbiz at pulitika sa U.S.

Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang pamilya ng biktima hingil sa nasabing pangyayari.

Read more...