Bagyong Domeng, napanatili ang lakas habang binabagtas ang Philippine Sea
Napanatili ng Tropical Depression ‘Domeng’ ang lakas nito habang binabagtas ang karagatan ng Pilipinas.
Sa pinakahuling weather update ng PAGASA, namataan ang bagyo sa layong 700 kilometro Silangan ng Guiuan, Samar.
Taglay ni Domeng ang lakas ng hangin na aabot sa 40 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 60 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 15 kilometro sa direksyong Hilagang Kanluran.
Kung magpapatuloy ang bilis ng bagyo ay posibleng lumabas na ito ng bansa sa Linggo ng umaga.
Patuloy na inaasahan ang katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan na may pagkulog, pagkidlat sa CALABARZON, Bicol Region, MIMAROPA, buong Visayas at Mindanao bunsod ng pinagsamang epekto ng bagyo at ng intertropical convergence zone.
Hindi pinapayuhan ng PAGASA ang paglalayag sa Silangang bahagi ng bansa dahil sa malalakas na alon.
Inaasahan naman ang pag-ulan sa Western Sections ng bansa kasama ang Metro Manila sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw dahil sa hahatakin ng bagyo ang hanging habagat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.