“We enjoyed it”
Ganito isinalarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang kontrobersyal na paghalik sa isang pinay worker sa South Korea na umani ng kritisismo sa publiko.
Sa press briefing sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 sa kanyang pagbabalik sa bansa, sinabi ng pangulo sa mga kritiko na inggit lamang ang mga ito.
Patutsada pa ni Duterte, mabaho lamang ang kanilang hininga.
Isa lamang anyang entertainment act ang paghalik niya sa babaeng nakilalang si Bea Kim at hindi niya umano ito hahalikan kung may malisya rito.
Sinabi pa ni Duterte sa mga kritiko na ito ay kanyang sariling istilo at walang mali sa isang simpleng kiss.
Hindi umano ito ang kauna-unahang beses na may hinalikan siya sa harap ng publiko dahil noong nangangampanya siya noong alkalde pa siya noong Davao City ay nanghalik siya sa mga babae ng lips to lips.
Noong Linggo ay naganap ang kontrobersyal na halik sa meet and greet ni Duterte sa Filipino Community sa South Korea na idinepensa ng palasyo bilang isang ‘light moment’ at ‘playful act’ lamang.