Inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais niyang ilagay sa ilalim ng kanyang direktang pamamahala ang mga ‘problematic’ na ahensya ng pamahalaan.
Sa press briefing ng pangulo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 matapos ang kanyang tatlong araw na pagbisita sa South Korea ay sinabi nito na pagpapatupad siya ng mga radikal na pagbabago sa gobyerno sa mga darating na araw.
Ayon kay Pangulong Duterte, isa sa kanyang mga gagawin ay ilalagay niya sa ilalim ng Office of the President ang mga ahensya ng pamahalaan na hindi na ma-control.
Ito aniya ay upang matiyak na mamomonitor niya ang galaw ng mga opisina.
Hindi naman partikular na binanggit ng pangulo kung anu-anong ahensya ang mga ito.
Matatandaang magkakasunod na pinagtatanggal ng pangulo ang ilang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa katiwalian o nagkaroon ng labis na mga biyahe sa labas ng bansa.
Isiniwalat rin ni Pangulong Duterte na magkakaroon ng pagbabago sa public order and security ng Pilipinas.
Paliwanag ng punong ehekutibo, masyado na kasing maraming krimen sa bansa.
Aniya pa, wala namang pagkakaiba ang pagdedeklara ng martial law at ng national emergency.
Binalaan pa ng pangulo ang mga human rights group na dapat umayos ang mga ito dahil kung hindi ay mahaharap ang bansa sa seryosong problema na may kaugnayan sa kriminalidad at iligal na droga.
Inulit pa ng pangulo na hindi siya titigil hanggang sa masugpo ang kriminalidad at karahasan sa bansa. Ito aniya ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga investors na papasok ng Pilipinas.