Bagyong Domeng napanatili ang lakas habang binabagtas ang karagatan ng bansa

Napanatili ng Tropical Depression Domeng ang lakas nito habang kumikilos pa Hilaga-Hilagang Kanluran sa ibabaw ng karagatan ng Pilipinas.

Sa pinakahuling update ng PAGASA, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 670 kilometro Silangan ng Guiuan, Eastern Samar.

May lakas ito ng hangin na aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 60 kilometers per hour.

Kumikilos si Domeng sa bilis na 15 kilometer per hour.

Patuloy na magdadala ang sama ng panahon ng katamtaman hanggang sa paminsan-minsan ay malalakas na pag-uulan sa Central Visayas, Eastern Visayas, Caraga at Northern Mindanao.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga naturang lugar sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Bagaman hindi tatama sa bansa ay hahatakin ng bagyo ang habagat na magpapaulan sa MIMAROPA at Western Visayas mula Huwebes at bahagi ng western section ng Luzon mula Biyernes.

Inaasahang lalabas ng bansa ang bagyo Linggo ng gabi.

Read more...