Umaasa ang PAGASA na makakatulong ang mga pag-uulang dulot ng bagyo o Habagat ngayong buwan sa sitwasyon ng mga dam sa bansa.
Nitong mga nakalipas na buwan ay naging kapos sa suplay ng tubig mula sa mga dam dahil sa tag-init.
Sa isang press conference, sinabi ni PAGASA Hydrologist Danilo Flores na maituturing na blessing kapag inulan ang mga lugar kung saan matatagpuan ang mga dam.
Aniya, maaaring maging normal ang lebel ng tubig sa mga dam depende sa tagal ng mga ulan lalo na ng Habagat.
Pero sakaling maging mabilis lamang ang pagdaan ng mga pag-ulan, sinabi ni Flores na posibleng kapusin pa rin sa tubig ang mga dam.
Hindi pa pormal na ina-anusyo ng PAGASA ang panahon ng tag-ulan, subalit may isa hanggang dalawang bagyo na inaasahang tatama sa bansa ngayong buwan ng Hunyo.