DOTr pumalag sa nagpakalat ng “Kissing Tugade” video

Video grab

Dismayado ang Department of Transportation (DOTr) sa malisyosong pagpapakalat ng isang video ni Transportation Secretary Arthur Tugade.

Ang video na tinutukoy ng DOTr ay ang nai-post sa Facebook account ng ‘Pinoy Ako Blog’, na kilalang kritiko ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kaakibat nito ang pahayag na nag-aakusang nauuso na raw ang kabastusan sa kasalukuyang gobyerno na tila ini-uugnay sa kontrobersyal paghalik ng presidente sa isang OFW sa kanyang state visit sa South Korea.

Sa naturang video, mapapanuod na ang kalihim ay nakikihalubilo sa isang kasiyahan at akmang makikipag-halikan sa isang babaeng empleyado.

Ayon kay Transportation Communications Director Godess Hope Libiran na ikinalulungkot nila ang pagkaladkad sa pangalan ng opisyal na pakana umano ng mga walang magawa na kritiko ng pamahalaan.

Depensa pa ni Libiran, walang malisya sa lumang video na ito ng transportation secretary na kinuha sa Christmas party noon pang taong 2016 sa kanilang lumang opisina sa Ortigas, Mandaluyong.

Highlight aniya ng okasyon ang boodle fight Kung saan nagulat ang mga kawani na makikisalo pala sa kanila si Secretary Tugade.

Read more...