Sundalo patay, 2 pa sugatan sa pagsabog ng landmine sa Quezon
Patay ang isang sundalo habang sugatan ang dalawang iba pa sa pagsabog ng landmine na itinanim ng New People’s Army sa Lopez, Quezon Lunes ng gabi.
Sakay ng military truck ang mga sundalo nang sumabog ang landmine sa Barangay Bagong Silang.
Ayon sa ulat ng pulisya, patungo ang mga sundalong sakay ng military truck sa headquarters ng 85th Infantry Battalion sa Barangay Villa Principe sa bayan ng Gumaca.
Gayunman, ayon kay Col. Elias Escarcha, commander ng Army 201st Infantry Brigade, pagsapit sa Barangay Bagong Silang sa Lopez ay sumabog ang landmine dakong alas-8:00 kagabi.
Sinundan pa ito ng pagsalakay ng hindi natukoy na bilang ng mga rebelde kaya nauwi sa isang oras na engkwentro ang insidente.
Ayon kay Escarcha, nakapagpadala ng dagdag na pwersa ang militar.
Sa kabila nito, nasawi sa engkwentro si Private First Class Nilo Julian habang sugatan sina Sergeant Victor Bartocillo at Corporal Jonathan Baylar.
Sinabi ni Escarcha na wala pa silang impormasyon kungmay casualty sa panig ng NPA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.