Resources ng DOH dapat gamitin para sa mga naturukan ng Dengvaxia — Sen. Gordon

Pinayuhan ni Senador Richard Gordon ang Department of Health (DOH) na dapat muna nitong gamitin ang kasalukuyang resources at operations upang matulungan ang mahigit sa 830,000 na mga naturukan ng Dengvaxia vaccine.

Ani Gordon, ito ay habang hinihintay pa ang pag-apruba ng Kongreso sa panukalang P1.16 bilyong supplemental budget.

Aniya pa, dapat ay tiyakin ng kagawaran na mabigyan ng tulong ang mga naturukan ng Dengvaxia sa lalong madaling panahon.

Sinabi pa ng senador na dapat magtulungan ng DOH at PhilHealth para matulungan ang mga nabakunahan ng kontrobersiyal na Dengvaxia vaccine.

Suhestyon pa ni Gordon, dapat ay simulan na ng DOH ang pagbuo ng master list ng mga nabakunahan at ilagay ito sa data base na madaling ma-access ng mga pribado at pampublikong ospital.

Samantala, hindi naman napigilan ni Gordon na madismaya dahil sa hindi pagkakapasa ng panukalang supplemental budget para sa Dengvaxia patients.

Ngunit ayon kay Senadora Loren Legarda na siya namang pinuno ng Senate finance committee, mamadaliin ng Senado ang pagpasa sa panukalang supplemental budget matapos itong i-transmit ng mababang kapulungan patungong mataas na kapulungan kapag nagbalik na ang sesyon ng Kongreso sa July 23.

Read more...