Mga Binay, inutusan ng COA na ibalik ang P2.2B para sa Makati car park
Inutusan ng Commission on Audit (COA) si dating Vice President Jejomar Binay at anak nitong si dating Makati Mayor Junjun Binay at iba pa na ibalik sa gobyerno ang P2.292 billion na ginastos sa kontrobersyal na Makati City Hall Parking Building II.
Naglabas ang COA Special Services Sector’s Fraud Audit Office ng dalawang notices of disallowance (ND) na may petsang March 15, 2018.
Tinutukoy sa notices of disallowances ang P2.28 billion na ibinayad sa Hilmarc’s Construction Corp. para sa limang phase ng pagpapatayo ng gusali at ang P11.97 million na ibinayad sa MANA Architecture and Interiors Design Co., para sa disenyo ng car park.
Hindi agarang epektibo ang utos ng COA dahil ang mga taong sangkot sa dalawang NDs ay binigyan ng anim na buwan para magsumite ng apela sa FAO director at sa 3-men commission.
Pero nakasaad sa dokumento na pirmado nina State Auditor Filomena Ilagan at Director Chona Labrague at ipinadala sa tanggapan ng panganay na anak ni Binay na si Makati Mayor Mar-len Abigail Binay na ang audit of disallowance na hindi inapela sa loob ng anim na buwan ay magiging final at executory na.
Ang COA notice of disallowance ay tila kumatig sa findings ng Senate blue ribbon committee at ng Office of the Ombudsman na nagsusulong ng graft at falsification charges laban sa mga Binay sa Sandiganbayan.
Samantala, sinabi naman ng tagapagsalita ng pamilya na si Joey Salgado na hindi ito ang findings sa unang COA audit kaya tila kinuwestyon anya ng ahensya ang competence ng mga tao nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.