Pinababasura ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang kasong kriminal na isinampa sa kanya kaugnay sa P3.5-billion Dengvaxia vaccine mess.
Ginawa ito ni Aquino sa isinumite nitong counter affidavit sa idinaos na preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) sa kasong isinampa sa kanya at dating miyembro ng kanyang gabinete ng grupong Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at Vanguard of the Philippine Constitution, Inc (VPCI).
Sa kanyang sagot, itinanggi nito ang mga alegasyon na criminal negligence, technical malversation, graft at paglabag sa procurement law.
Iginiit ni Aquino na pinalalabas lamang ng mga kaso na ginamit niya ang dengue vaccination program para sa kanyang politikal na interes at ng kanyang partido.
Wala rin aniyang merito ang kaso laban sa kanya dahil bigo pareho ang VACC at VPCI na patunayan ang kanilang mga bintang.
Dumalo rin sa preliminary investigation ang mga kapwa nito akusado na sina dating Health secretary Janette Garin, dating budget secretary Florencio Abad.