Kinalampag ng ACT Teachers Partylist ang Department of Education (DepEd) dahil sa pagtaas ng dropout rates ngayong school year.
Ayon kina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio at France Castro, nakakaalarma ang mataas na bilang ng mga kabataang tumitigil sa pag-aaral.
Ito, ayon kina Tinio at Castro ay pinatindi pa ng K-12 program ng pamahaalan.
Sa annual poverty indicators survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 3.8 milyon o isa sa bawat 10 bata ang hindi nag-aaral kung saan karamihan sa mga ito ay dapat nasa senior high school na.
Samantala, hinimok din ng mga ito ang DepEd at Department of Budget and Management (DBM) na pondohan ang pagpapatayo ng mga school building at bagong paaralan.
Kaugnay nito, hiniling nila sa liderato ng Kamara na simulan na ang pagdinig sa kanilang resolusyong nagpapaimbestiga sa estado ng K-12 program ng DepEd.