Pinaalalahanan ng mga guro sa buong bansa si Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa kanyang pangako noong kampanya na patataasin niya ang sweldo ng mga ito, partikular ng mga public school teachers.
Sa pamamagitan ng petisyon ng Teacher’s Dignity Coalition ay hinihimok ng mga guro si Pangulong Duterte na ideklarang ‘urgent’ ang Senate Bill 704 o ang Basic Education Teachers Pay Increase Act.
Sa ilalim ng panukala, madaragdagan ng P10,000 ang sweldo ng mga public school teachers at empleyado ng Department of Education (DepEd).
Sakalaing maipasa ang panukala, ang nasabing halaga ay ibibigay sa mga empleyado ng DepEd at mga guro sa tatlong tranches sa loob ng tatlong taon.
Nakasaad rin sa panukala na mayroon dapat na P1,000 annual allowance ang mga guro para sa medical checkup, bukod pa sa annual bonus na nakatakda sa Magna Carta for Teachers na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin naipapatupad bagaman naipasa na 50 taon na ang nakakalipas.
Umaasa ang grupo na makakalikom sila ng 500,000 lagda sa buong bansa bago sumapit ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ng pangulo sa Hulyo.
Samantala, sa bisperas ng unang araw ng balik-eskwela ay nagsama-sama ang mga guro at dumalo sa isang misa upang ipanalangin ang matagumpay na school year. Sabay-sabay rin silang nagtirik ng kandila upang masagot ang kanilang mga kahilingan, partikular ang dagdag-sahod.