Magpupulong sa susunod na linggo ang mga Metro Manila Mayors, Metro Manila Development Authority officials, Highway Patrol Group at si Sec. Jose Almendras para tukuyin ang mga ruta ng mga sasakyan para sa panahon ng kapaskuhan.
Sinabi ni Traffic Czar Sec. Almendras na mismong si Pangulong Noynoy Aquino ang nagsabi na kailangan nang ilatag ang mga plano dahil inaasahan na mas lalo pang bibigat ang daloy ng trapiko habang papalakipt ang buwan ng Disyembre.
Kakausapin din ng grupo ang mga mall owners para sa maayos na koordinasyon kaugnay sa mga “Sale” sa mga darating na buwan. Isa sa mga aayusin ay ang road clearing para sa tinatawag na Mabuhay o Christmas Lane bilang alternatibong ruta para sa mga pribadong sasakyan.
Ipinaliwanag din ni Almendras na mahalagang marinig ang suhestyon ng mga Metro Mayors dahil sila ang mas nakaka-intindi sa mga ruta sa kani-kanilang mga lokalidad.
Isa rin sa pinag-aaralan ng grupo ni Almendras ay ang paglalagay ng mga tauhan ng PNP-HPG maging sa mga secondary roads na ginagawang major alternate routes maging ng mga pampasaherong sasakyan.