Isa sa mga nakatakdang pag-usapan nina Pangulong Rodrigo Duterte at South Korean President Moon Jae-in bukas ang isyu sa Korean Peninsula.
Sa isang panayam, sinabi ni Philippine Ambassador to South Korea Raul Hernandez na pag-uusapan rin ng dalawang pinuno ang iba pang mga regional issues, kabilang na rin ang Asia-Pacific region issues.
Dagdag nito, pag-uusapan rin nina Duterte at Moon ang mga paraan upang matiyak ang kaayusan ng mga Pilipinong nananatili sa South Korea, partikular ang kanilang kaligtasan at seguridad, pati na rin ang para sa mga South Korean nationals na namamalagi naman sa bansa.
Batay kasi sa datos, nasa 1.7 milyong South Koreans ang bumisita sa bansa noong nakataang taon. Habang 450,000 naman na mga Pinoy ang nasa South Korea noong 2017 at mayroong 66,000 na mga Pilipino ang nakatira at nagtatrabaho sa nasabing bansa.
Linggo ng umaga nang dumating si Pangulong Duterte sa Seoul para sa tatlong araw na official visit sa pag-iimbita ni Moon.
Bukas, araw ng Lunes ay nakatakda silang magpulong sa Blue House na siyang executive office at official residence ni Moon.