Tiniyak ng Palasyo ng Malacanang na nakahanda na ang lahat ng ahensya kaugnay sa inaasahang pananalasa ng bagyong Lando sa malaking bahagi ng Luzon.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma Jr. “on-call” ang lahat ng mga tauhan ng gobyerno lalo’t malapit ng mag-landfall ang bagyo sa lalawigan ng Aurora.
Ang buong pwersa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay kahapon pa nagsimula ang kanilang “round-the-clock” monitoring habang ang mga social workers ng Department of Social Welfare and Development naka-deploy na rin sa kani-kanilang mga pwesto.
Ipinaliwanag rin ni Coloma na nananatiling nakatutok sa mga kaganapan ang Pangulo at regular siyang nakikipag-ugnayan sa mga pinuno ng mga concerned government agencies.
Idinagdag din ng kalihim na kaagad na ikakasa ang pwersang pagpapa-alis sa mga taong nakatira sa mga high risk areas kapag nagsimula nang manalasa ang bagyong Lando sa mga delikadong lugar tulad ng mga kabundukan, dagat at daluyan ng mga tubig-baha.
Kahapon ay nagsalita sa nationwide broadcast ang pangulo at kanyang ipinaliwanag ang inaasahang magiging scenario sa sandaling tumama sa kalupaan ang bagyo.
Umapela rin si Pangulong Bemigno Aquino III sa publiko na manatiling naka-alerto dahil malakas ang hangin at inaasahang maulan ang bagyong Lando.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.