“Crybaby Selfie Challenge against Oil Price Hike” inilunsad ng KMU

Naglunsad ng isang online protest ang Kilusang Mayo Uno (KMU) bilang pagkondena sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo maging sa liquefied petroleum gas (LPG).

Ang naturang protesta ay pinangalanang “Crybaby Selfie Challenge against Oil Price Hike”.

Ito ay nabuo matapos ang panawagan ni Finance Secretary Benjamin Diokno sa publiko na bawasan ang pagiging ‘crybaby’ sa pagtaas ng presyo ng oil products at LPG.

Iginiit ng KMU na insensitibo, iresponsable at arogante ang naging pahayag ni Diokno na tila ay pang-iinsulto sa naghihikahos na mga manggagawa at mamamayang Filipino.

Ayon kay KMU Metro Manila chair Ed Cubelo, hindi rin nila makalilimutan ang naging pahayag ni Diokno noong Labor Day sa panawagang itaas ang sahod ng mga manggagawa.

Sinabi umano ni Diokno na hindi magugutom ang mga manggagawa kung magtatrabaho lamang ang mga ito nang maigi.

Samantala, sa pamamagitan ng Crybaby Selfie Challenge ay hinihikayat ang publiko na magpost sa social media ng ‘selfie’ na nagpapakita ng pagtutol sa pagtataas sa presyo ng oil products.

Hinikayat din ang publiko na i-challenge ang kanilang mga kaibigan sa pamamagitan ng pag-tatag sa mga ito.

Read more...