China, binanatan ang US dahil sa umano’y mga iresponsableng komento sa isyu sa South China Sea
Iresponsable.
Ganito tinawag ng isang mataas na opisyal sa Beijing ang naging komento ng Estados Unidos na nananakot ang China sa mga kapitbahay na bansa sa pamamagitan ng militarisasyon nito sa South China Sea.
Sinabi ni Lt. Gen. He Lei ng China na may karapatan ang kanilang bansa na magdeploy ng mga kagamitan at sundalo sa sarili nitong teritoryo.
Kamakailan ay nagpahayag ng mga kritikal na komento si US Defense Secretary James Mattis sa isang security summit sa Singapore na ang paglalagay ng weapon systems ng China sa South China Sea ay para manakot at mambully sa mga kapitbahay na bansa.
Anim na bansa ang may sari-sariling pag-aangkin sa mga teritoryo sa South China Sea ngunit naglagay na ito ng kanilang mga military hardware tulad ng missile systems at bombers.
Gayunman, iginiit ni General He, na ang aksyong ito ng China ay bahagi ng national defense at upang maiwasang masakop ng iba.
Anya pa, ang pag-iingay ng ibang bansa ay tila pangingialam sa mga usaping-panloob ng China.
Samantala, sa kabila ng kanyang kritisismo, iginiit naman ng Gen. Mattis na patuloy na sisikapin ng US ang isang konstuktibo at ‘results-oriented’ na relasyon sa China.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.