Hindi natuwa ang samahan ng mga empleyado ng gobyerno ang kumpirmasyon ng Commission on Appointments (CA) kay Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary John Rualo Castriciones.
Ipinahayag ng Confederation for Unity, Advancement and Recognition of Government Employees (Courage) na hindi inimbestigahan ng CA nang malaliman ang background ni Castriciones bago kupirmahin ang kanyang appointment.
Sinabi ni Courage National President Ferdinand Gaite na hindi kwalipikado sa DAR ang bagong kalihim.
Aniya, para maitalaga ang opisyal sa DAR, kinakailangang mayroong hindi bababa sa limang taong karanasan ito sa pagsusulong ng agrarian reform o pagtatrabaho sa agrarian reform program ng pamahalaan.
Gayunman, ayon kay Gaite, walang karanasan sa bilang agrarian reform advocate si Castriciones.
Isiniwalat niya rin na nasangkot sa hazing si Castriciones noong siya ay kadete sa Philippine Military Academy.
Ani Gaite, hinatulan si Castriciones ng military court na magsilbi ng limang taong paggawa bilang parusa noong 1982.
Gayunman, ginawaran daw ng pardon ni dating pangulong Cory Aquino si Castriciones bago pa man matapos ang parusa.
Sinabi ni Gaite na dapat na linawin kung absolute o conditional ang pardon na iginawad sa kanya dahil kung conditional ito, hindi maaaring italaga sa anumang posisyon sa gobyerno si Castriciones.
Kinumpirma ng CA ang appointment ng bagong kalihim ng DAR noong Martes kung saan 13 sa panel ang pumabor habang dalawa ang kumontra.