Inakusahan ng pinatalsik na Chief Justice Maria Lourdes Sereno si Associate Justice Noel Tijam na nakapagdesisyon na ito bago pa man talakayin ang quo warranto petition laban sa kanya.
Ipinahayag ni Sereno na madidiskubre sa footnotes ng desisyon na nabalangkas na ito bago pa man siya makapagkomento sa petisyon.
Sinabi ni Sereno na ilang website at online articles na ginamit sa desisyon ang binisita ni Tijam apat na araw bago maisumite ang komento ni Sereno noong March 19.
Aniya, kinundena na ni Tijam ang pinatalsik na punong mahistrado bago pa man siya mapakinggan ang panig nito.
Una nang hiniling ni Sereno na huwag umupo sa kanyang kaso sina Tijam at lima pang mahistrado dahil may kinikilingan umano ang mga ito.
Samantala, pinuna rin ni Sereno ang pagkunsidera ni Tijam sa mga ebidensyang wala naman sa record.
Si Tijam ang may-akda sa desisyon ng Korte Suprema na kinatigan ang pagpapawalang bisa ng appointment ni Sereno.