Nagpahayag ng pangamba si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa ginawang harassment ng Chinese Navy sa mga tropa ng militar malapity sa Ayungin.
Nangyari ang insidente noong May 11 kung saan ay lumipad ng mababa ang isang Chinese military chopper malapit sa rubber boat na sinasakyan ng mga kawal na Pinoy na magdadala ng supply sa BRP Sierra Madre.
Sinabi ng isang source na ipinatawag ng pangulo sina Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano at Philippine Ambassador to China Chito Santa Romana para sa isang confidential meeting noong nakaraang Lunes.
Seryoso umano sa nasabing pulong ang pangulo at nagpahayag ng pangamba sa sitwasyon ayon pa sa source na tumangging isapubliko ang kanyang pangalan.
Naghain na rin ng note verbale ang DFA kaugnay sa pinakahuling intrusion.
Nauna dito ay sinabi ni Cayetano na may ginagawang paraan ang pamahalaan sa isyu pero hindi umano ito pwedeng ilantad sa publiko sa kasalukuyan.
Sa kanyang talumpati sa anibersaryo ng Philippine Navy kamakailan ay sinabi ng pangulo na hindi siya papasok sa giyera kalaban ang China dahil alam niyang hindi siya mananalo dito.
Gayunman ay kanyang tiniyak na hindi naman niya papayagan na malagay sa alanganing sitwasyon ang bansa sa isyu pa rin ng agawan ng mga isla sa West Philippine Sea.