Tseke sa mga loan at claims ng SSS made-delay ang release dahil sa problema sa nasirang printer

Magkakaroon ng delay sa pagre-release ng tseke ng Social Security System para sa mga salary loan, death, disability, retirement, sickness at maternity claims.

Ayon sa SSS, ito ay dahil problema sa printer na ginagamit sa pag-imprenta ng kanilang tseke.

Sa abiso ng SSS, ang lahat ng claims na isinumite simula noong May 22 at mga kasunod na araw ang maaapektuhan ng delay.

Ito umano ang unang pagkakataon na nakaranas ng malfunction ang printer ng SSS.

Dagdag pa ng SSS, kasalukuyan nang inaayos ang nasirang check printer at inaasahan na maidedeliver na sa PhilPost ang mga tseke simula Hunyo 8.

Nakikipag-ugnayan na rin ang SSS sa PhilPost para sa special handling ng mga tseke upang mabilis na matanggap ng mga miyembro.

Ayon sa SSS, ang nasa 106,950 na apektadong miyembro ay inabisuhan na sa pamamagitan ng text message sa kanilang numerong naka-rehistro sa SSS.

Humingi rin ng paumanhin ang SSS sa naging problema.

Kung mayroon namang katanungan, maaaring tumawag sa 920-6446 to 55 o mag-email sa member_relations@sss.gov.ph para sa iba pang katanungan.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...