Emergency meeting ipinatawag ng Pangulo dahil sa bagyong Lando
Nagpatawag ng emergency meeting si Pangulong Benigno Aquino III sa mga ahensiyang may kinalaman sa paghahanda sa bagyong Lando.
Ipinatawag ni Pangulong Aquino sa Malakanyang sina National Disaster Risk Reduction and Management Office Executive Director Alexander Pama, Interior and Local Government Secretary Senen Sarmiento, PNP Chief General Ricardo Marquez, AFP Chief of Staff Hernando Iriberri, Science and Technology Secretary Mario Montejo, Social Welfare Secretary Dinky Soliman, Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson, Budget Secretary Florencio Butch Abad, Transportation Secretary Jun Abaya, ang mga kinatawan mula sa PAGASA at si Presidential Communications Operations Secretary Sonny Coloma.
Batay sa pinakahuling forecast ng PAGASA ay nasa typhoon category na ang bagyong ‘Lando’ na patuloy na lumalakas habang tumatahak patungong Isabela-Aurora area.
Nais ng pangulo na matiyak ang kahandaan ng lahat ng ahensya ng gobyerno.
Samantala, mahigpit nang ipinagbabawal ng pamahalaaang lokal ng munisipalidad ng Baler sa lalawigan ng Aurora ang mga aktibidad sa kanilang baybayin dahil sa bagyong Lando.
Ito ay makaraang itaas ng PAGASA ang storm warning signal number 2 sa lalawigan ng Aurora.
Batay sa babala ng Weather Bureau, makararanas ng mula 4.1 meters hanggang 14.0 meters na taas ng alon ang mga baybayin na dadaanan ng bagyong Lando.
Dahil dito ay ideneklara na ng local disaster office ng Baler ang ‘no outdoor activity zone” sa kanilang baybayin simula ngayong alas 5:00 ng hapon.
Tatagal ang babala hanggang sa ito ay bawiin ng PDRRMC ng Baler.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.