Mison at Mangotara duda sa isa’t isa sa Wang Bo case

BI
Larawan mula sa BI website

Inamin ni Bureau of Immigration Commissioner Seigfred Mison na sa simula pa lamang, pinagdudahan na niya si Associate Commissioner Abdullah Mangotara dahil sa hindi pangkaraniwang tawag nito sa kanyang Chief of Staff kaugnay ng pagpasok sa bansa ni Wang Bo noong February 9, 2015.

Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Mison na “subject for exclusion” si Wang Bo dahil siya ay nasa blacklist ng BI. Nang dumating aniya sa bansa si Wang Bo noong February 9, kinabukasan ay nakatanggap ng tawag ang Technical Staff ni Mison mula kay Mangotara.

Nais ni Mangotara na ibalik si Wang Bo sa airport of origin nito sa Malaysia. Pero ayon kay Mison, nang malaman niya na ang dahilan ng pagkaka-blacklist kay Wang Bo ay ang pagiging wanted nito sa China ay nagdesisyon siyang ipatapon ito sa China sa halip na ibalik sa airport of origin.

Paliwanag ni Mison, dahil nasa blacklist si Wang Bo, automatic na dapat itong i-exclude at hindi na kailangan ng tawag mula sa kaniya bilang Commissioner ng BI o sa iba pang opisyal ng ahensya.

“We got this phone call from Commissioner Mangotara, which is also surprising because number 1 if it is an ordinary exclusion there is no need for any phone call, our immigration officers are trained and they would know what to do in cases of blacklisted persons, automatic ‘yon,” sinabi ni Mison

Hindi pangkaraniwan o “extraordinary” ayon kay Mison ang ginawang pagtawag ni Mangotara sa technical staff sa airport para panghimasukan ang gagawing “exclusion” kay Wang Bo dahil hindi naman sakop ng trabaho nito ang regulasyon sa mga paliparan at borders.

Sinabi ni Mison na bilang Associate Commissioner, sakop ng trabaho ni Mangotara ang mga usapi na may kaugnayan sa regulatory cluster particular ang visa-issuances. Sinabi ni Mison na siya bilang pinuno ng ahensya ang may kontrol sa lahat ng usaping may kaugnayan sa airports.

“Even if he will say na he is just making sure that the general rule is being implemented, he has no business in calling our airports, because ang cluster niya ay regulatory cluster which is all the visa issuances. Kapag mga border control matters, ang mga matter sa airport ako ang ako ang may hawak niyan. That’s why when he called that was something overboard, parang teka lang bakit ganito,?” dagdag pa ni Mison.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Mangotara noong Martes, mistulang kinuwestyon nito ang desisyon ni Mison na hindi agad pabalikin sa Airport of Origin si Wang Bo nang dumating ito ng bansa noong buwan ng Pebrero. Ayon kay Mangotara, dahil blacklisted si Wang Bo, dapat ay hindi na ito tinanggap sa Pilipinas.

“Nag-isyu kami ng blacklist order laban sa kaniya, so nung pumasok ulit siya ng Pilipinas, dapat inexclude na siya dahil blacklisted pero ang naging pasya ng Commissioner is to admit him and file a case against him, samantalang at that very time, he should be excluded at pinabalik sa kaniyang airport of origin,” ayon kay Mangotara.

Paliwanag naman ni Mison, ang pasya niyang huwag i-exclude agad si Wang Bo at huwag pabalikin sa kaniyang Airport of Origin ay hindi pagpabor sa nasabing dayuhan kundi pagpapabalik lang sa bansa na kung saan siya may pananagutan sa batas. Dagdag pa ni Mison, bilang wanted person, tungkulin nila salig sa International Cooperation na i-turnover si Wang Bo sa law enforcers ng China.

Kapwa inamin sa Radyo Inquirer nina Mison at Mangotara na may “friction” sa pagitan nila dahil sa paglaki sa media ng usapin ng Wang Bo case.

Ang ikatlong opisyal ng BI na si Associate Commissioner Gilbert Repizo naman ang siyang itinurong nakipagkita sa mga kinatawan ni Wang Bo./Dona Dominguez-Cargullo

Read more...