DFA dapat maghain ng diplomatic protest laban sa China ayon sa ilang mga senador

Naghain ng resolusyon ang walong senador na humihimok sa Department of Foreign Affairs (DFA) na maghain ng diplomatic protest sa gitna ng umano’y militarisasyon ng China sa South China Sea.

Inihain nina Senador Kiko Pangilinan, Bam Aquino, Risa Hontiveros, Antonio Trillanes IV, JV Ejercito, Leila de Lima, Franklin Drilon, at Ralph Recto ang Resolutuon No. 761.

Ayon sa walong senador, iniulat ng US intelligence sources na naglagay ang China ng anti-ship cruise missiles at surface-to-air missile systems sa Kagitingan Reef, Subi Reef, at Panganiban Reef na sakop ng Pilipinas.

Iginiit nila na dapat ipagtanggol ng gobyerno ng Pilipinas ang mga teritoryo ng bansa laban sa nakakaalarmang expansion ng militar ng China sa West Philippine Sea at South China Sea.

Hindi anila dapat hayaan ng pamahalaan ang China na maging banta sa mga interes ng bansa sa West Philippine Sea at sa seguridad sa rehiyon.

Dagdag ng walong senador, hindi sapat ang hakbang ng gobyerno para mapigilan ang aksyon ng China at ang paghain ng diplomatic protest ay karapatan ng bansa.

Read more...