Kung nakalusot sa Kamara ang panukalang supplemental budget para sa mga naturukan ng Dengvaxia gabi ng Martes ay hindi ito naipasa sa Senado.
Matatandaang sinertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala na layong maglaan ng P1.16 bilyon para sa gastusin ng mga naturukan ng Dengvaxia vaccine.
Mag aalas-2 ng madaling araw na ng Huwebes nang simulan itong talakayin sa Senado at bigo nang maipasa dahil sa kawalan ng quorum sa sesyon.
Iginiit ni Senate Committee on Finance chairman Sen. Loren Legarda na kailangang ipasa ang supplemental budget dahil naghihintay umano ang Dengvaxia patients para rito.
Gayunman, iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang kanyang mosyon na tapusin na ang sesyon dahil sa kawalan ng quorum.
Ani Drilon, kailangan ang quorum upang talakayin ang pagpasa sa batas ngunit imposible na itong mangyari dahil hindi na sapat ang bilang ng mga senador sa Senate hall.
Dahil dito, posibleng maipasa na lamang ang panukala sa pagbabalik ng sesyon ng Senado sa Hulyo.
Makikinabang sa naturang supplemental fund ang nasa 800,000 kabataang naturukan ng Dengvaxia.