Isang taon matapos salakayin ng ISIS-inspired Maute Terror Group ang Marawi City ay binisita ng aktres na si Iza Calzado ang lungsod.
Sa Instagram account ng Kapamilya actress, ibinahagi nito ang kanyang pagbisita sa war-torn city.
Kwento ni Iza, personal niyang nakita ang laki ng pinsalang tinamo ng lungsod dahil sa naganap na limang buwang bakbakan sa pagitan ng pwersa ng pamahalaan at teroristang grupo.
Aniya, nakita niya na matagal pa ang bubunuing panahon at pondo upang muling mabuo ang Marawi City.
Ayon pa sa aktres, hanggang sa ngayon ay mayroon pa ring mga residente na nananatili pa rin sa temporary shelters at hiling nito na makahanap ang lahat ng paraan upang masuportahan ang rebuilding ng lungsod.
Sa isa pang post ni Iza ay ibinahagi nito ang selfie kasama ang isang batang Maranao.
Kwento ni Iza, naging emosyonal siya nang maisip kung anong kalbaryo ang naranasan ng bata.
Bumisita sa lungsod si Iza bilang bahagi ng I am Marawi Women (IM Women) Project na isang post-rehabilitation initiative ng non-government organization na Spark Philippines sa pakikipagtulungan ng Australian Embassy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.