Ilang araw bago ang pagdiriwang ng Pride Month sa buwan ng Hunyo ay idinaos sa Seoul, South Korea ang kauna-unahang drag parade.
Bagaman maliit itong hakbang para sa LGBTQI+ community ng naturang bansa ay maituturing naman itong significant step para sa mga gender and sexuality activists dahil sa pagiging konserbatibo ng South Korea.
Bitbit ang bandila ng LGBTQI+ community at suot ang mga makukulay na damit ay nagmartsa ang mga drag queen at king sa Itaewon na kilala sa nightlife at magarbong gay scene.
Nakatanggap ng magkahalong suporta at pagtataka ang mga dumalo sa parada na binubuo ng mga South Korean nationals maging mga dayuhan.
Bagaman hindi itinuturing na iligal ang homosexuality sa South Korea ay hindi naman nirerekognisa ng kanilang batas ang same-sex marriage, maging ang pagpapalit ng gender sa birth certificate.
Sa isang panayam ay sinabi ni Yang Heezy na siyang nag-organisa ng Seoul Drag Parade na kailangang magkaroon ng mas marami pang queer culture festivals sa bansa upang mabiyang pansin ang sexual minorities at maturuan ang mga kakaunti ang kaalaman tungkol sa LGBTQI+.
Isa ang South Korea sa mga bansang malaki ang populasyon ng mga Kristyano at marami rin ang bilang ng mga miyembro ng LGBTQI+ community na nananatiling nagtatago dahil sa pressure mula sa komunidad.