Sa 378 na pahinang desisyon, iginiit ng anti-graft court na may malakas na ebidensiya para litisin si Napoles sa mga kinahaharap niyang kaso kaugnay sa pork barrel scandal.
Magugunita na noong nakaraang buwan dalawang beses nang humingi ng extension sa Supreme Court ang Sandiganbayan para makapagpalabas ng desisyon sa usapin.
Base kasi sa court rules, dapat ay makapaglabas na ang korte ng desisyon sa loob ng 48 oras matapos ang pagdinig.
Naunang ikinatuwiran ni 3rd division Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang na kinakailangan nilang suriin nang mabuti ang napakaraming ebidensiya na iprinisinta ng prosecution team sa isang taon na itinagal ng pagdinig sa petisyon ni Napoles.
Ang prosekusyon ay nakapagprisinta ng 29 testigo at mahigit sa isang libong piraso ng documentary evidence laban sa itinuturong utak ng maling paggamit ng pork barrel ng mga mambabatas.
Samantala, hindi naman nagharap ng kontra ebidensiya ang mga abogado ni Napoles.
Ngunit ayon sa kampo ng pangunahing akusado, pawang mga alegasyon, akusasyon, opinyon at suspetsa lang ang ginawa ng prosekusyon sa pamamagitan ng mga whistleblowers sabay giit na wala pa rin silang mga ebidensiya at pruweba.