Puspusan ang ginagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa halos 300 mga hinihinalang pekeng claims para sa road right of way para sa mga proyekto ng gobyerno sa General Santos City.
Una nang nakapaghain ang NBI ng reklamong plunder at graft sa Tanggapan ng Ombudsman laban kina Dating Department of Public Works ang Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson at 33 iba pa kaugnay ng road right of way scam.
Ayon sa NBI, mayroon pang nalalabing 291 claim para sa Region 12 na kanilang iniimbestigahan at sinasabing bahagi ng P8.7 billion na pondo ng gobyerno na hinihinalang napunta sa sindikato.
Ang imbestigasyon ng NBI ay sa gitna ng hiwalay na pagsisiyasat ng Senate Blue Ribbpn Committee pinangunahan ni Senador Richard Gordon kaugnay ng sindikato ng pekeng titulo ng lupa sa Mindanao.
Kaugnay nito, nananawagan ang mga nag-aaplay ng titulo sa lupa na palawakin ang pagdinig dahil hinala nila, may kasabwat ang sindikato sa LRA, DPWH, Bureau Of Lands, DENR, Local Registry Of Deeds, Lokal na Pamahalaan at maging ang mga Local Court.
Nauna nang naghayag si Gordon ng pagkabahala kung paanong napatituluhan ng sindikato ang lupang kinatitirikan ng isang kompanya sa ilalim ng Integrated Foreign Management Agreement (IFMA) ng Deparment of Environment and Natural Resources o DENR.
Na-magic umano ang ektaryang lupain ng gobyerno na matatagpuan malapit sa International Airport at naialok sa mga negosyante sa Metro Manila na walang kamalay-malay na peke ang mga dokumento.