Kapwa patay ang driver at kasama nito matapos pagbabarilin ang kanilang sasakyan sa panulukan ng Roxas Boulevard at Pedro Gil sa Maynila.
Kwento ng nakasaksi sa insidente, nakahinto ang itim na Toyota Vios na may Plate No. na UOV 966 dahil sa stop light, nang ito ay lapitan ng apat na hindi pa nakikilalang salarin at sakay ng dalawang motorsiklo.
Walang pag-aatubili ay pinagbabaril ng mga suspek ang bintana ng sasakyan at matapos nito ay agad silang tumakas.
Ayon sa saksi, pitong putok ng baril ang kanyang narinig.
Nagawa pang lumabas ng sasakyan ang driver ng sasakyan upang humingi ng tulong sa mga otoridad. Agad na isinugod ng mga pulis ang biktima sa ospital, ngunit idineklara itong dead on arrival.
Samantala, dead on the spot naman ang kasama ng driver na nasa passenger side ng kotse.
Sa ngayon ay hinihintay pa ang SOCO upang iproseso ang crime scene at kasabay nito ay nagkasa na ng followup operation ang mga pulis upang mahanap ang mga salarin sa pamamaril.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.