Isang ugat ng pagkaubos ng pondo ng PhilHealth natukoy
Sinabi ni Senador JV Ejercito na may posibilidad na ang pagdurugo ng kaban ng PhilHealth ay bunga ng pagkakalipat ng P10.6 bilyon sa Department of Health (DOH).
Ayon kay Ejercito nalaman niya ang isyu sa joint congressional review sa performance ng Philhealth.
Aniya ang hinugot at nailipat na pondo ay para sa mga senior citizens noong 2015.
Ginamit naman diumano ng DOH ang pondo sa Health Facilities Enhancement Program.
Ang paglipat ng pondo ang pinagbasehan ng reklamo ni Philhealth OIC President Dr Celestina Ma. Jude dela Serna laban kina dating Health Sec Janette Garin at dating Philhealth President Alexander Padilla.
Sa affidavit ni dela Serna sa Office of the Ombudsman sinabi nito na ilegal ang ginawang paglilipat nina Padilla at Garin ng pondo dahil hindi ito inaprubahan ng Philhealth board of directors.
Sinabi ni Ejercito dahil sa nangyari, humuhugot na ang Philhealth ng pera sa kanilang reserve fund para sa premium ng mga miyembro nilang senior citizens.
Giit ni Ejercito lubhang nakakabahala ang pangyayaring ito sa pagkunsidera na hind maganda ang lagay ng estadong pinansiyal ng Philhealth.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.