Tulad nang inaasahan, mabilis ang naging pagsalang ni Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa Commission on Appointments (CA).
Matapos basahin ni Puyat ang kanyang opening statement ay agad nagmosyon si Senador Migs Zubiri para sa termination ng hearing.
Kasunod na nito ang manifestation para sa appointment ni Puyat at walang tumutol sa mga miyembro ng Committee on Tourism and Economic Development.
Inamin ni Puyat na maging siya ay nagulat sa bilis ng naging pangyayari.
Ayon kay Puyat, napakaraming dapat gawin sa DOT at aniya ang tanging bilin lang sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte ay wala dapat korupsiyon sa loob ng ahensya.
Samantala, kabaligtaran naman ang nangyari kay Department of Agrarian Reform Secretary John Castriciones.
Kinailangan pang magpatawag ng executive session dahil sa mga tumututol sa kanyang appointment.
Sa executive session ay nagkaroon ng secret balloting at nakalusot naman si Castriciones sa botong 13-2.
Gayunpaman, sinabi ni Poe na may mga basehan ang mga hinaing kay Castriciones at ito ang dapat niyang pagtuunan ng pansin.
Ngayong araw ay isasalang pa sa plenaryo ang kumpirmasyon nina Puyat at Castriciones.