Government corporate counsel sinibak sa pwesto ni Duterte
Sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte si Government Corporate Counsel Rudolf Philip Jurado dahil sa umano’y sa pakikialam para mabigyan ng 75-year permit ang isang casino operator.
Bago ang kanyang talumpati sa isang event sa Malacañang kanina ay hinanap pa ni Pangulong Rodrigo Duterte si Jurado.
Ayon sa pangulo, “May I call the government corporate counsel now? Are you here? Because if you are here, come out. You are fired”.
Nauna nang lumabas ang mga ulat na hindi nagustuhan ng pangulo ang pakikialam ni Jurado sa pagbibigay ng permit para sa pagtatayo ng isang casino sa Aurora Pacific Economic Zone (Apeco) na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA).
Binalaan rin ng pangulo ang iba pang opisyal ng kanyang administrasyon na huwag makialam sa trabaho ng ibang ahensya ng gobyerno.
Sa kanyang pahayag, sinabi naman ni Jurado na tinatanggap niya ang desisyon ng pangulo na alisin siya sa pwesto.
Pero nanindigan ito na biktima siya ng intriga sa mismong loob ng ahensiya na kanyang pinamumunuan.
Noong nakaraang linggo ay sinabi ng pangulo na isa pang opisyal ng gobyerno ang kanyang sisibakin ngayong araw ng Lunes sa kanyang pagbabalik sa Malacañang.
Bago naging Government Corporate Counsel, si Jurado ay kilalang abogado ng mga aktor na sina Joey Marquez at Robin Padilla.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.