Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Finance Assistant Secretary at Spokesman Paula Alvarez na mahihirapan kasi ang gobyerno na pondohan ang mga programang ipinatutupad na ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte gaya halimbawa ang libreng edukasyon sa mga State Universities and Colleges, umento sa sahod sa mga pulis, sundalo at mga guro.
Napaka-crucial aniya kung sususpendhin ang TRAIN law.
Sa panig ni Presidential Spokesman Harry Roque, sinabi nito na nasa kongreso ang bola sa pagbalangkas ng batas para suspendihin ang TRAIN law.
Hindi kasi aniya makukuha sa executive order ang pagsuspendi sa TRAIN law sa halip ay ang pagbalangkas ng bagong batas ang kailangan dito.
Isa sa mga opsyon aniya ngayon ng pangulo ay ang utos sa Department of Energy (DOE) na umangkat ng diesel sa Russia na mas mababa ng kalahati ang presyo ng diesel mula sa Middle East.
Aminado si Roque na lubhang nakababahala ang nararanasang krisis ngayon dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.