Tatakbo si Napeñas sa ilalim ng United Nationalist Alliance (UNA) ni Vice President Jejomar Binay.
Ayon kay Napeñas, tumakbo siya para tugunan ang sigaw at pagtutulak ng mamamayan.
Maliban dito, matindi rin aniya ang paghikayat ng mga nasa serbisyo pa at mga retiradong pulis na pasukin niya ang pulitika.
“Nais kong ipagpatuloy ang adhikaing aking itinataguyod: ang katahimikan ng sambayanang Pilipino. Nais ko ring makamit ang hustisya para sa SAF44,” ayon kay Napeñas.
Sinabi ni Napeñas na pinili niya ang UNA dahil si Binay ay nagbigay pugay sa SAF44 at tumulong sa mga naulilang pamilya.
Umaasa naman si Napeñas na sa susunod na administrasyon ay maibibigay na ang hanggang sa ngayon ay mailap pa rin na hustisya sa mga nasawing tauhan ng SAF dahil sa Mamasapano encounter.