Kumpara noong nakaraang taon, sinabi ni Police Regional Office (PRO-6) Western Visayas director CSupt. Cesar Hawthorne Binag na bumaba nang 88.84 porsyento ang crime volume sa unang buwan ng pagsasara ng kilalang tourist destination mula April 26 hanggang May 25.
Sa tala ng Boracay Police Task Force (BPTF), 11 insidente lang ng index crimes ang napaulat sa loob ng isang buwan kumpara sa 85 insidente sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Kabilang sa index crimes ng PNP ang pagnanakaw, physical injury, rape, homicide at murder.
Paliwanag ni Binag, ang naturang pagbaba ng crime rate ay bunsod ng mahigpit na pagpapatupad ng police strategies sa isla taliwas sa inaakala ng karamihang mamamayan dahil maraming residente ang nawalan ng trabaho.
Tinutukan aniya ang mga lugar na posibleng magkaroon ng krimen kaya’t nagtalaga ng curfew sa mga kabataan at nakipag-ugnayan sa mga security guard at residente.
Base rin sa mga ulat, kadalasan aniyang nangyayari ang mga krimen sa gabi kung kaya’t 60 porsyento ng pulis ay nakabantay sa gabi.