DepEd, magdadagdag ng 75,000 guro sa darating na pasukan
Nakatakdang tumanggap ang Department of Education (DepEd) ng karagdagang 75,000 na guro para maiwasan ang pagsisikip ng classrooms sa mga pampublikong paaralan sa darating na pasukan.
Sa isang panayam, sinabi ni Education Undersecretary Jesus Mateo na ang kasalukuyang average teacher-student ratio ay 1:31 sa elementary at senior high school habang 1:36 naman sa junior high school.
Ipinunto rin ni Mateo na mas mataas pa ang teacher-student ratio sa mga paaralan sa urban areas tulad ng Metro Manila dahil sa dami ng mga estudyante.
Ang dagdag na pondo para sa mga matatanggap na guro ay kabilang sa pondo ng DepEd ngayong taon.
Maliban aniya sa pagbabawas ng class size, nais din ng kagawaran na magtayo ng multi-story school buildings sa mga lugar na may limitadong lupa at paggamit ng shuttle service para maihatid ang mga estudyante sa mga paaralan na may bakanteng classrooms katuwang ang local government units.
Sinabi rin ng opisyal na magsasagawa ng early registration activities para paghandaan ang ilang isyu na kakaharapin ng mga estudyante, guro at magulang sa susunod na school year.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.