Sa isang panayam sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque may pakialam ang pangulo sa nangyayari sa presyo ng oil products at nagbigay na ito ng mga kautusan.
Ani Roque, unang ipinag-utos ng pangulo ay ang pagbuo ng surveillance teams ng Department of Trade and Industry na magbabantay sa mga oil traders na aabusuhin ang pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ipinapaaresto umano ng pangulo ang mga lalabag sa suggested retail price.
Pangalawang utos umano ni Duterte ay ang pagkonsidera ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagtaas sa minimum wage.
Anya, ipinag-utos na ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa regional wage board ang pulong upang tingnan kung dapat taasan ang sahod dahil na rin sa pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin.
Ang ikatlong utos naman umano ay para sa Department of Energy (DOE) kung saan pinag-iimport ang kagawaran ng langis sa mga bansang hindi miyembro ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) kung saan mura ang mga produktong petrolyo.
Samantala, matatandaang sinabi na rin ng palasyo na posibleng suspendihin ang excise tax sa oil products sakaling pumalo na sa USD80 per barrel ang presyo nito sa pandaigdigang merkado.